• Home   /  
  • Archive by category "1"

Pagmamahal Sa Kapwa Essay Contest

Ano ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao?

  • Paano ninyo bibigyang-kahulugan ang pag-ibig sa kapwa-tao?

Mababanaag sa buhay ng Tagapagligtas ang Kanyang dalisay na pag-ibig para sa lahat ng tao. Ibinigay pa Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Pag-ibig sa kapwa-tao ang dalisay na pagmamahal na iyon na taglay ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Iniutos Niya sa atin na mahalin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal Niya sa atin. Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagmumula sa dalisay na puso (tingnan sa I Kay Timoteo 1:5). Tayo ay may dalisay na pag-ibig, mula sa puso, kapag nagpakita tayo ng tunay na pagmamalasakit at habag para sa lahat ng ating mga kapatid.

Pag-ibig sa Kapwa-Tao ang Pinakadakila sa Lahat ng Kabutihan

Sinabi sa atin ni propetang Mormon, “Kaya nga, manangan sa pag-ibig sa kapwa-tao, na pinakadakila sa lahat, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagkukulang—datapwat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman” (Moroni 7:46–47; tingnan din sa I Mga Taga Corinto 13; 2 Nephi 26:30; Moroni 7:44–45, 48).

Ibinigay ng Tagapagligtas ang halimbawa ng Kanyang buhay para tularan. Siya ang Anak ng Diyos. Taglay Niya ang ganap na pagmamahal, at ipinakita Niya sa atin kung paano magmahal. Sa pamamagitan ng Kanyang halimbawa, ipinakita Niya sa atin na ang mga espirituwal at pisikal na pangangailangan ng ating kapwa ay kasinghalaga ng sa atin. Bago Niya ibinigay ang Kanyang buhay para sa atin, sinabi Niya:

“Ito ang aking utos, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo.

“Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan” (Juan 15:12–13).

Sa pakikipag-usap sa Panginoon, sinabi ni Moroni:

“Natatandaan kong sinabi ninyo na iniibig ninyo ang sanlibutan, maging hanggang sa paghahain ng inyong buhay para sa sanlibutan. …

“At ngayon nalalaman ko na ang pag-ibig na ito na inyong taglay para sa mga anak ng tao ay pag-ibig sa kapwa; anupa’t maliban kung magkaroon ng pag-ibig sa kapwa ang tao ay hindi nila mamamana ang lugar na yaon na inyong inihanda sa mga mansiyon ng inyong Ama” (Eter 12:33–34).

Maaaring hindi natin kailangang ibigay ang ating buhay tulad ng ginawa ng Tagapagligtas. Ngunit maaari tayong magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao kung gagawin natin Siyang sentro ng ating buhay at susundin ang Kanyang halimbawa at mga turo. Tulad ng Tagapagligtas, maaari din nating pagpalain ang buhay ng ating mga kapatid dito sa mundo.

  • Bakit pag-ibig sa kapwa-tao ang pinakadakila sa lahat ng kabutihan?

Nakapaloob sa Pag-ibig sa Kapwa-Tao ang Pagbibigay sa mga Maysakit, Nagdadalamhati, at Mahihirap

Maraming itinuro sa atin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga kuwento o talinghaga. Itinuturo sa atin ng talinghaga ng mabuting Samaritano na dapat tayong magbigay sa mga nangangailangan, sila man ay ating mga kaibigan o hindi (tingnan sa Lucas 10:30–37; tingnan din sa James E. Talmage, Jesus the Christ, ika-3 edisyon [1916], 430–32). Sa talinghaga, sinabi ng Tagapagligtas na may isang lalaki na naglalakbay patungo sa ibang lungsod. Habang daan ay sinalakay siya ng mga tulisan. Ninakaw nila ang kanyang kasuotan at pera at binugbog siya, at iniwan siyang halos patay na. Isang saserdote ang dumaan, nakita siya, at siya ay nilampasan. Pagkatapos ay isang manggagawa sa templo ang dumaan, tiningnan siya, at nagpatuloy sa paglakad. Gayunman, isang Samaritano, na kinamumuhian ng mga Judio, ang dumaan, at nang makita niya ang lalaki ay nakadama siya ng pagkahabag (tingnan ang larawan sa kabanatang ito). Habang nakaluhod sa kanyang tabi, tinalian ng mabuting Samaritano ang kanyang mga sugat at isinakay siya sa asno at dinala sa isang bahay-tuluyan. Binayaran niya ang katiwala ng bahay-tuluyan para alagaan ang lalaki hanggang sa ito ay gumaling.

Itinuro ni Jesus na dapat tayong magbigay ng pagkain sa mga nagugutom, kanlungan sa mga walang tirahan, at mga damit sa mahihirap. Kapag dinadalaw natin ang mga maysakit at ang mga nasa bilangguan, parang ginagawa na rin natin sa Kanya ang mga bagay na ito. Nangako Siya na sa paggawa natin ng mga bagay na ito ay mamanahin natin ang Kanyang kaharian. (Tingnan sa Mateo 25:34–46.)

Hindi natin dapat tangkaing magpasiya kung karapat-dapat ba o hindi ang isang tao sa ating tulong (tingnan sa Mosias 4:16–24). Kung naisaayos na natin ang mga pangangailangan ng sarili nating pamilya, sa gayon ay dapat nating tulungan ang lahat ng nangangailangan ng tulong. Sa ganitong paraan tayo ay magiging katulad ng ating Ama sa Langit, na nagkakaloob ng ulan kapwa sa mabubuti at sa masasama (tingnan sa Mateo 5:44–45).

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na may mga taong nangangailangan ng higit pa sa mga materyal na bagay:

“Itanong natin sa ating sarili: ‘Ako ba’y may kabutihang nagawa? Ako ba ay nakatulong na?’ [Mga Himno, blg. 135]. Napakagandang pormula ng kaligayahan! Napakagandang reseta para sa kapanatagan, sa kapayapaan ng kalooban—ang mabigyang-inspirasyon ang isa pang nilalang upang magpasalamat.

“Ang ating mga pagkakataong tumulong ay tunay na walang hangganan, ngunit nabubulok din ang mga ito. May mga pusong pasasayahin. May mabubuting salitang sasambitin. May mga regalong ibibigay. May mga gawaing gagawin. May mga kaluluwang ililigtas” (sa Conference Report, Okt. 2001, 72; o Liahona, Ene. 2002, 60).

  • Sa talinghaga ng mabuting Samaritano, paano ninyo ilalarawan ang mga taong nagwalang-bahala sa lalaking sugatan? Paano ninyo ilalarawan ang Samaritano? Sa paanong mga paraan natin maisasagawa sa ating buhay ang mensahe ng talinghagang ito?

Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao ay Nagmumula sa Puso

  • Paano natin magagawang mahalin ang mga tao sa kabila ng kanilang mga kasalanan at pagkakamali?

Kahit na nagbibigay tayo sa mga nangangailangan, kung hindi tayo nakakaramdam ng pagkahabag sa kanila, tayo ay walang pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan sa I Ni Juan 3:16–17). Itinuro ni Apostol Pablo na kapag tayo ay may pag-ibig sa kapwa-tao, tayo ay puno ng mabuting damdamin para sa lahat ng tao. Tayo ay mapagpasensya at mabait. Hindi tayo mayabang o palalo, maramot o walang-galang. Kapag tayo ay may pag-ibig sa kapwa-tao hindi natin tinatandaan o ikinagagalak ang kasamaang ginawa ng ibang tao. Ni hindi natin ginagawa ang mabubuting bagay dahil lamang sa kapaki-pakinabang ito sa atin. Sa halip, kasama tayong nagagalak ng mga taong namumuhay sa katotohanan. Kapag tayo ay may pag-ibig sa kapwa-tao tayo ay matapat, naniniwala tayo sa kakayahan ng ibang tao, at mabait tayo sa kanila. Itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang “pagibig ay hindi nagkukulang kailan man.” (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 13:4–8.)

Ang Tagapagligtas ang ating halimbawa kung ano ang dapat nating madama at paano dapat pakitunguhan ang iba. Kinamuhian niya ang kasamaan, ngunit minahal Niya ang mga makasalanan sa kabila ng kanilang mga kasalanan. Nahabag Siya sa mga bata, matatanda, mahihirap, at mga nangangailangan. Napakalaki ng Kanyang pag-ibig kung kaya hiniling Niya sa ating Ama sa Langit na patawarin ang mga kawal na nagbaon ng mga pako sa Kanyang mga kamay at paa (tingnan sa Lucas 23:34). Itinuro Niya sa atin na kung hindi natin patatawarin ang iba, hindi tayo patatawarin ng ating Ama sa Langit (tingnan sa Mateo 18:33–35). Sinabi Niya: “Sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [pagpalain ang sa inyo’y sumusumpa, gawan ng mabuti ang napopoot sa inyo,] at idalangin ninyo ang sa inyo’y [lumalait at] nagsisiusig. … Sapagka’t kung kayo’y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin?” (Mateo 5:44, 46). Dapat nating matutuhang damhin ang nadama ni Jesus sa iba.

Taglayin ang Mabuting Katangian ng Pag-ibig sa Kapwa-Tao

  • Paano natin higit na maiibig ang ating kapwa?

Ang isang paraan upang maibig natin ang ating kapwa ay pag-aralan ang buhay ni Jesucristo at sundin ang Kanyang mga kautusan. Maaari nating pag-aralan kung ano ang ginawa Niya sa ilang situwasyon at gawin din iyon kapag nasa gayundin tayong mga situwasyon.

Pangalawa, kapag hindi tayo nakadarama ng pagmamahal sa kapwa-tao, maaari nating ipagdasal na magkaroon tayo ng dagdag na pag-ibig sa kapwa. Hinihimok tayo ni Mormon na, “Manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig [pag-ibig sa kapwa-tao], na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo” (Moroni 7:48).

Pangatlo, maaari nating matutuhang mahalin ang ating sarili, na ang ibig sabihin ay nauunawaan natin ang tunay na kahalagahan natin bilang mga anak ng ating Ama sa Langit. Itinuro ng Tagapagligtas na kailangan nating mahalin ang iba tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili (tingnan sa Mateo 22:39). Upang mahalin ang ating sarili, kailangan nating igalang at pagtiwalaan ang ating sarili. Ibig sabihin kailangan tayong maging masunurin sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Kailangan nating pagsisihan ang anumang pagkakamali. Kailangan nating patawarin ang ating sarili kapag nakapagsisi na tayo. Lalo nating mamahalin ang ating sarili kapag nadama natin ang taos at nakapapanatag na katiyakan na talagang mahal tayo ng Tagapagligtas.

Pang-apat, maiiwasan nating isipin na mas mabuti tayo kaysa sa ibang tao. Mapagpapasensyahan natin ang kanilang mga pagkakamali. Sinabi ni Joseph Smith, “Kapag mas napapalapit tayo sa ating Ama sa langit, mas nahahabag tayo sa mga taong naliligaw ng landas; nais natin silang pasanin, at balikatin ang kanilang mga kasalanan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 502–3).

Sa Aklat ni Mormon mababasa natin ang tungkol kay Enos, isang binata na nagnais malaman kung napatawad na ang kanyang mga kasalanan. Sabi niya sa atin:

“Ang aking kaluluwa ay nagutom; at ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha, at ako ay nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing para sa aking sariling kaluluwa; at sa buong araw ako ay nagsumamo sa kanya; oo, at nang dumating ang gabi ay inilakas ko pa ang aking tinig sa kaitaasan kung kaya’t iyon ay nakarating sa kalangitan.

“At doon ay nangusap ang isang tinig sa akin, sinasabing: Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay pagpapalain” (Enos 1:4–5).

Ipinaliwanag ng Panginoon kay Enos na dahil sa kanyang pananampalataya kay Cristo ang kanyang mga kasalanan ay pinatawad. Nang marinig ni Enos ang mga salitang ito hindi na siya nabahala pa tungkol sa kanyang sarili. Alam niyang mahal siya ng Panginoon at pagpapalain siya. Sa halip ay naisip niya ang kapakanan ng kanyang mga kaibigan at kamag-anak, ang mga Nephita. Ibinuhos niya ang kanyang buong kaluluwa sa Diyos para sa kanila. Sumagot ang Panginoon at sinabing pagpapalain sila ayon sa kanilang katapatan sa pagsunod sa mga kautusan na ibinigay na sa kanila. Lalong nag-ibayo ang pagmamahal ni Enos nang marinig ang mga salitang ito, at siya ay nanalangin nang matagal para sa mga Lamanita, na kaaway ng mga Nephita. Ipinagkaloob ng Panginoon ang kanyang mga hangarin, at iniukol niya ang nalalabi niyang buhay sa pagsisikap na iligtas ang mga kaluluwa ng mga Nephita at Lamanita. (Tingnan sa Enos 1:6–26.)

Labis na nagpasalamat si Enos sa pagmamahal at pagpapatawad ng Panginoon kung kaya kusa niyang iniukol ang nalalabi niyang buhay sa pagtulong sa iba na matanggap ang ganitong kaloob. Si Enos ay talagang nagkaroon ng pag-ibig sa kapwa. Magagawa rin natin ito. Sa katunayan, kailangan nating gawin ito upang manahin ang lugar na inihanda para sa atin sa kaharian ng ating Ama.

Karagdagang mga Banal na Kasulatan

  • Mga Taga Colosas 3:12–14 (pag-ibig sa kapwa-tao ang bigkis ng kasakdalan)

  • Alma 34:28–29 (ang ating mga panalangin ay walang kabuluhan kung hindi natin iniibig ang ating kapwa)

  • I Mga Taga Corinto 12:29–13:3 (kahulugan ng pag-ibig sa kapwa-tao)

  • D at T 121:45–46 (mapuspos tayo ng pag-ibig sa lahat ng ating kapwa-tao)

Kamakailan ay bumisita kaming mag-asawa sa lungsod ng Nauvoo, Illinois. Habang naroon, naupo kami sa silid sa itaas ng Red Brick Store, kung saan nagpatakbo ng negosyo si Propetang Joseph Smith. Nakinig kaming mabuti sa tour guide, na inisa-isa ang ilang makasaysayang pangyayari ng Panunumbalik na naganap doon.

Bumaling ang aking isipan sa pagtatatag ng Relief Society at sa ilang turong natanggap ng kababaihan ng Relief Society mula kay Propetang Joseph sa mismong silid na iyon. Ang mga turong iyon ay naging mga batayang alituntuning pinagsaligan ng Relief Society. Ang mga layuning palakasin ang pananampalataya, patatagin ang mga pamilya sa Sion, at hanapin at tulungan ang mga nangangailangan ay inilatag sa simula pa lamang. Noon pa man ay nakaayon na ang mga ito sa mga turo ng ating mga propeta.

Sa isa sa mga pulong noon, bumanggit si Propetang Joseph mula sa mga sulat ni Pablo sa mga taga-Corinto. Sa nakaaantig niyang pagtalakay tungkol sa pag-ibig sa kapwa, tinukoy ni Pablo ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa, at nagtapos sa, “Nguni’t ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig.”1

Inilarawan niya ang mga katangiang nakapaloob sa pag-ibig sa kapwa. Sabi niya:

“Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.

“… Hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama;

“Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan;

“Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis.

“Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailan man.”2

Nang magsalita sa kababaihan, sinabi ni Propetang Joseph Smith: “Pahalagahan ninyo ang kabutihang ginawa ng inyong kapwa. … Kung gagawin ninyo ang ginawa ni Jesus, dapat ninyong pag-ibayuhin ang inyong pagmamahal sa iba. … Habang nadaragdagan ang inyong kadalisayan at kabaitan, habang nadaragdagan ang inyong kabutihan, hayaang lalong magmahal ang inyong puso—dagdagan ang inyong pagmamahal at pagkahabag sa iba—kailangan pa ninyong magtiis at magpasensya sa mga pagkukulang at pagkakamali ng sangkatauhan. Napakahalaga ng kaluluwa ng mga tao!”3

Ang pahayag sa banal na kasulatan na “Ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang” ay naging motto ng Relief Society dahil tinatanggap nito ang mga turong ito at ang utos na ibinigay ni Propetang Joseph Smith sa kababaihan ng Relief Society na “magbigay-ginhawa sa mga dukha” at “magligtas ng mga kaluluwa.”4

Tinanggap ng kababaihan ng Relief Society sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga batayang alituntuning ito, dahil iyan ang likas na gawain ng Relief Society.

Ano ang pag-ibig sa kapwa? Paano tayo magkakaroon ng pag-ibig sa kapwa?

Ipinaliwanag ni Propetang Mormon na ang pag-ibig sa kapwa ay “dalisay na pag-ibig ni Cristo,”5 at itinuro naman ni Pablo na ang “pagibig … [ay] tali ng kasakdalan,”6 at ipinaalala sa atin ni Nephi na “ang Panginoong Diyos ay nagbigay ng isang kautusan na dapat magkaroon ng pag-ibig sa kapwa ang lahat ng tao, kung aling pag-ibig sa kapwa-tao ay pagmamahal.”7

Sa pagrerepaso sa naunang paglalarawan ni Pablo sa pag-ibig sa kapwa, nalaman natin na ang pag-ibig sa kapwa ay hindi iisang gawain lamang o isang bagay na ipinamimigay natin, kundi isang pagkatao, isang damdamin ng puso, mga kabaitang pinagmumulan ng pagmamahal.

Itinuro din ni Mormon na ang pag-ibig sa kapwa ay ipinagkakaloob sa mga tunay na disipulo ng Panginoon at dinadalisay ng pag-ibig na iyan ang nagtataglay nito.8 Bukod pa rito, nalaman natin na ang pag-ibig sa kapwa ay isang banal na kaloob na dapat nating hangarin at ipagdasal na matamo. Kailangan nating ibigin ang ating kapwa upang manahin ang kahariang selestiyal.9

Nauunawaan na inutusan tayo ng Panginoon na “damitan ang [ating] sarili ng bigkis ng pag-ibig sa kapwa-tao,”10 dapat nating alamin ang mga katangiang tutulong sa atin upang magkaroon ng pag-ibig sa kapwa.

Dapat muna nating hangaring pag-ibayuhin ang ating pag-ibig sa kapwa at maging higit na katulad ni Cristo.

Ang susunod ay manalangin. Ipinayo sa atin ni Mormon na “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang [tayo] ay mapuspos ng ganitong pag-ibig.” Ang makadiyos na pagmamahal na ito ay pag-ibig sa kapwa, at kapag tayo ay napuspos ng ganitong pag-ibig, “tayo ay magiging katulad Niya.”11

Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw ay itutuon ang ating isipan sa Tagapagligtas at sa hangaring maging higit na katulad Niya.

Sa aking opisina, ipinasiya kong magsabit ng isang larawang ipininta ni Minerva Teichert na pinamagatang Rescue of the Lost Lamb. Makikita rito na nakatayo ang Tagapagligtas sa gitna ng Kanyang mga tupa at magiliw na karga ang isang munting tupa. Nakatulong ito sa akin na pag-isipan ko ang Kanyang kahilingang: “Alagaan mo ang aking mga tupa,”12 na para sa akin ay nangangahulugang paglingkuran ang lahat ng nakapaligid sa inyo at pagtuunan ng pansin ang mga nangangailangan.

Ang Tagapagligtas ang perpektong halimbawa kung paano ibigin ang kapwa. Sa Kanyang mortal na ministeryo kinahabagan Niya ang mga nagugutom, makasalanan, nagdurusa, at may sakit. Naglingkod Siya sa maralita at mayayaman; sa mga babae, bata, at lalaki; sa pamilya, mga kaibigan, at estranghero. Pinatawad Niya ang mga nagparatang sa kanya, at nagdusa Siya at namatay para sa buong sangkatauhan.

Sa buong buhay niya nagpakita rin ng pag-ibig sa kapwa si Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng pagmamahal at paggalang sa iba. Kilalang-kilala siya sa kanyang kabaitan, pagmamahal, habag, at malasakit sa mga nakapaligid sa kanya.

Ngayon, mapalad tayong magkaroon ng isang propetang huwaran ng pag-ibig sa kapwa. Si Pangulong Thomas S. Monson ay isang halimbawa sa atin at sa buong mundo. Siya ay may pag-ibig sa kapwa. Siya ay mabait, mahabagin, at mapagbigay; isang tunay na lingkod ng Panginoong Jesucristo.

Itinuro ni Pangulong Monson: “Ang pag-ibig sa kapwa ay pagpapasensya sa isang taong bumigo sa atin. Ito ay paglaban sa bugso ng damdamin na madaling masaktan. Ito ay pagtanggap sa mga kahinaan at pagkukulang. Ito ay pagtanggap sa mga tao kung sino sila talaga. Ito ay pagtingin nang higit pa sa mga panlabas na anyo sa mga katangiang hindi kumukupas sa paglipas ng panahon. Ito ay pagtanggi sa bugsong [husgahan] ang iba.”13

Kapag tayo ay may pag-ibig sa kapwa, tayo ay handang maglingkod at tumulong sa iba kahit hindi madali para sa atin at hindi naghihintay ng pagkilala o kapalit. Hindi natin hinihintay na atasang tumulong tayo, dahil likas na ito sa atin. Kapag pinili nating maging mabait, mapagmalasakit, mapagbigay, mapagpasensya, maunawain, mapagpatawad, makaibigan, at hindi makasarili, natutuklasan natin na puno tayo ng pag-ibig sa kapwa.

Napakaraming paraan ng Relief Society para makapaglingkod sa iba. Ang isa sa pinakamahahalagang paraan para maipakita ang pag-ibig sa kapwa ay sa visiting teaching. Sa epektibong visiting teaching marami tayong pagkakataong magmahal, maglingkod, at magsilbi sa iba. Ang pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa, o pagmamahal, ay nagpapadalisay at nagpapabanal sa ating kaluluwa, tinutulungan tayong maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Namamangha akong masaksihan ang di-mabilang na pagkakawanggawa ng mga visiting teacher araw-araw sa iba’t ibang panig ng mundo na tumutugon sa mga pangangailangan ng bawat miyembrong babae at ng kanilang mga pamilya sa di-makasariling paraan. Sa matatapat na visiting teacher na ito, sinasabi ko, “Sa pamamagitan ng maliliit na pagkakawanggawang iyon, sinusunod ninyo ang Tagapagligtas at nagiging kasangkapan kayo sa Kanyang mga kamay kapag kayo ay tumutulong, nangangalaga, nagpapasigla, nagbibigay-ginhawa, nakikinig, naghihikayat, nagtuturo, at nagpapalakas sa kababaihang nasa inyong pangangalaga.” Magbabahagi ako ng ilang maiikling halimbawa ng ganitong paglilingkod.

Si Rosa ay may malubhang diabetes at iba pang karamdaman. Sumapi siya sa Simbahan ilang taon na ang nakararaan. Siya ay nag-iisang magulang na may binatilyong anak. May mga panahon na madalas siyang maospital nang ilang araw. Hindi lamang siya dinadala sa ospital ng kanyang mababait na visiting teacher, kundi binibisita at pinapanatag din siya ng mga ito sa ospital habang binabantayan din ang kanyang anak sa bahay at paaralan. Ang kanyang mga visiting teacher ang nagsisilbing mga kaibigan at pamilya niya.

Matapos ang ilang pagbisita sa miyembrong ito, nalaman ni Kathy na hindi ito marunong magbasa ngunit gustong matuto. Nag-alok ng tulong si Kathy kahit alam niyang maraming oras, tiyaga, at sigasig ang kailangan.

Si Emily ay isang bata pang maybahay na naghahanap ng katotohanan. Ang kanyang asawang si Michael ay di-gaanong interesado sa relihiyon. Nang magkasakit at maospital nang matagal si Emily, si Cali, ang Relief Society sister at kapitbahay rin niya, ang nagdala ng pagkain sa pamilya, nagbantay sa kanilang anak, naglinis ng bahay, at humiling sa lider ng priesthood na basbasan si Emily. Ang pagkakawanggawang ito ay nagpalambot sa puso ni Michael. Nagpasiya siyang dumalo sa mga pulong ng Simbahan at magpaturo sa mga misyonero. Nabinyagan kamakailan sina Emily at Michael.

Ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang. … Ang pagibig ay … magandang-loob, … hindi hinahanap ang kaniyang sarili, … lahat ay binabata, … lahat ay tinitiis.”14

Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring:

“Ang kasaysayan ng Relief Society ay puno ng mga kuwento ng gayong pambihirang di-makasariling paglilingkod. …

“Ang samahang ito ay binubuo ng kababaihang ang pag-ibig sa kapwa ay nagmumula sa pusong nagbago dahil sa pagiging karapat-dapat at pagsunod sa mga tipan na tanging sa tunay na Simbahan ng Panginoon lamang makikita. Ang kanilang pag-ibig sa kapwa ay nagmumula sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ang kanilang pagkakawanggawa ay ginagabayan ng Kanyang halimbawa—at bunga ng pasasalamat para sa Kanyang walang-hangganang kaloob na awa—at sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na isinusugo Niya para samahan ang Kanyang mga lingkod sa kanilang [mapagkalingang misyon]. Dahil diyan, nakagawa na sila at nakakagawa sila ng mga pambihirang bagay para sa iba at nagagalak kahit malaki ang sarili nilang mga pangangailangang hindi natutugunan.”15

Ang paglilingkod at pagkakawanggawa sa iba ay nakatutulong sa atin na makayanan ang sarili nating mga paghihirap at mapagaan ang mga ito.

Babalikan ko ngayon ang mga turo ni Propetang Joseph sa kababaihan noong mga unang araw ng Panunumbalik. Habang hinihikayat ang pagkakawanggawa at kabaitan, sinabi niya: “Kung ipamumuhay ninyo ang mga alituntuning ito, napakadakila at napakaluwalhati ng magiging gantimpala ninyo sa kahariang selestiyal! Kung magiging marapat kayo sa inyong mga pribilehiyo, hindi mapipigilan ang mga anghel na makihalubilo sa inyo.”16

Gaya noong mga unang araw sa Nauvoo, kung saan naghanap at tumulong ang kababaihan sa mga nangangailangan, ganito rin ngayon. Ang kababaihan sa kaharian ay matitibay na haligi ng espirituwal na lakas, mahabaging paglilingkod, at katapatan. Binibisita at pinangangalagaan ng matatapat na visiting teacher ang isa’t isa. Sinusunod nila ang halimbawa ng Tagapagligtas at ginagawa ang Kanyang ginawa.

Mapupuspos ng pagmamahal ang lahat ng kababaihan sa Relief Society, batid na ang kanilang mumunting pagkakawanggawa ay nagpapagaling sa iba at sa kanilang sarili. Nalalaman nila nang may katiyakan na ang pag-ibig sa kapwa ay dalisay na pag-ibig ni Cristo at hindi kailanman magkukulang.

Kapag binasa ninyo ang kasaysayan ng Relief Society, mahihikayat kayong malaman na ang mahalagang alituntuning ito ng ebanghelyo ang pinakatema ng buong aklat.

Magtatapos ako sa pag-anyaya sa lahat ng kababaihan sa Simbahan na magsumamo na magkaroon ng hangaring mapuspos ng kaloob na pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Gamitin ang lahat ng mayroon kayo sa paggawa ng mabuti, at tulungan at iligtas ang mga nakapaligid sa inyo, kabilang na ang sarili ninyong pamilya. Pagtatagumpayin kayo ng Panginoon sa inyong mga pagsisikap.

Nawa’y mahikayat tayo ng ating kaalaman tungkol sa dakilang pag-ibig ng Ama at ng Anak para sa atin, at ng ating pananampalataya at pasasalamat sa Pagbabayad-sala, na taglayin at ipadama ang pag-ibig na ito sa lahat ng nakapaligid sa atin. Ito ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

One thought on “Pagmamahal Sa Kapwa Essay Contest

Leave a comment

L'indirizzo email non verrà pubblicato. I campi obbligatori sono contrassegnati *